**ISANG PANGARAP SA GABI NG GITNANG TAG-ARAW
Napatingin ako sa iyo at minasdan ka sa iyong pagkakahiga sa bench at kung paano mo pinaiikot sa daliri mo ang itim na HBW ballpen mong wala na yatang tinta. Paminsan-minsan mong pinapagpag ang paborito mong puting t-shirt na nagsasabing “MACHIX REPUTATION” upang ibsan ang alinsangang dulot ng tag-araw. Napangiti ako at naisip ko “Ayos, proud na proud sa reputasyon niya “.
“Hoy, wag ka ngang magpanggap na naiintindihan mo yan kasi dumudugo na yang ilong mo …” Kulit mo sa akin ng makita mong ibinalik ko ang atensiyon ko kay Dan Brown.
Tumayo ka sa pagkakahiga mo at tumabi sa bench na inuupuan ko. “Tol, minsan ba sumagi sa isip mo na sana isa ka na lang sa character sa mga librong nababasa mo? O kaya sana ikaw na lang ang bida sa mga napapanood mo? “. Tanong mo ulit
“uhm… ako? Ewan… hindi ko napapansin”, mas malabo kong sagot sa tanong mong hindi ko naman alam kong saan nanggaling.
Matagal kang tumahimik. Tumingala sa mga dahon nang brain tree na sumasalag sa init nang araw at itinatago sa atin ang bughaw na langit na kinukumpulan nang mga puting ulap.
Sa totoo lang, wala na kay Dan Brown ang atensiyon ko nun. Iniisip ko kung ano na naman ang katoyoan na pumasok sa ulo mo. Bumuntung hininga ka, sumipol, tumayo, pinulot at ginawang bola ang lahat ng bungang nahulog sa brain tree at nag shoot sa basurahan. Nang mapansin mong tila hindi pa din ako interasado, lumapit ka at sapilitang inagaw ang libro na kunwari na lang na binabasa ko.
“Tol, parang di ka naman sis eh! Kapag ikaw ang nagkwento kahit may ginagawa ako nakikinig ako sa’yo” Tumatawa ka habang itinatago mo sa likod mo ang libro na inaagaw ko pabalik. Naikot na ata natin ang tambayan. Medyo nakuha na din natin ang atensiyon ng mga dumadaan… nakakahiya na kaya bumalik na lang ako sa pagkaka upo.
“Haler! Nang 1st time na mabasted ka at sa sis pa yun na lam kong tinamaan ka talaga sinamahan kaya kitang magbilyar hanggang 1 am kahit na may exam ako ng alas-siyete ng umaga kinabukasan” hirit ko sa’yo. Pabiro mo kung hinampas ng libro sa ulo sabay sabi, “Bakit, na-top notch mo naman yun dahil sa mga tinuro ko ah?”
Napikon ako kahit mahina lang naman ang pagkakahampas mo at nagtanong, “Ano bang problema mo? Thesis? Subject? Adviser mo? Family? Gf? Ano?”
Nakangiti kang bumalik sa bench na hinihigaan mo kanina. Ibang klase ka talaga. Ikaw lang yata ang brod na madami ka chorvahan sa buhay. Muka kang astig at chick boy on the outer pero hard-core sa pagka-Emo sa dami ng dinaramdam. Bukod sa mahilig kang mag star gazing, ano pa nga ba ang mga natuklasan ko sa pagkatao mo ng araw na iyon?
Hindi mo gusto ang takbo ng buhay mo. Ayaw mo sa kurso na kinukuha mo, pero wala kang magawa kasi hindi mo rin naman alam kung ano ang gusto mong kunin. Kung kailan ka graduating, tsaka pa naging puro pasang-awa ang 12 units na nga lang na subject ng sem na iyon. Nang mga huling semesters mo sa college, napapadalas ang pagkuha mo ng final exams, samantalang dati, ang yabang yabang mo dahil bago mag end ang sem wala ka nang ginagawa. Exempted kasi sa mga finals kaya habang ngarag ang karamihan, petiks mode ka na lang (siyempre ako din…NOONG MGA PANAHONG YON LANG DIN)..
Ang thesis mo na dati ay ganado kang mag data gathering dahil sa dami ng chicks na nakikita mo pagbyahe, kinakabahan ka ngayon dahil mukhang ma eextend (for the second time around… rock en roll!) Deadline na ng first draft sa department, yung iyo, natutulog pa yata sa room niyo sa apartment. Kung dati every other day kang mag pa cute sa bata mo pang thesis adviser, ngayon pinagtataguan mo na kasi wala kang maipakita.
Nung first two years mo sa college, Ganado ka pa umuwi weekly para holdapin ang mama mo….(kayo na ang well-off) Ngayon, ni hindi ka na makauwi dahil nagtatanong na sila at di mo masagot kung makakagraduate ka nga. Buti na lang may atm ka na. Ang kaso, nang may ilang buwan ka nang hindi nakakauwi at naubos sa pag-inom sa LB square ang pera mo sa sobrang gimik every Thursday night (minsan everynight pa nung fair) hindi na din sila naghuhulog sa account mo. Gastos sa printing/ink, ang taas ng electric bill ng apartment natin dahil 24 hours ata ang pc at 2 laptop na lagi nakasaksak, , bayad sa rent ng apartment, dami activities/bayarin sa org, may finals ng campus debate, may mind gAEMS, mga org shirts(Medyo kinabahan ako sa part na yon… madadamay ba ang allowance ko sa krisis mo?)
Ayaw mo nang maging chick boy… Gusto mo nang maging seryoso…Ayaw mong maging kagaya ng papa mo na bata ka pa lang ay iniwan na kayo at sumama sa iba at nagka roon ng madaming pamilya… pero wala kang magawa… ipinanganak kang chick magnet, (sabi mo mga)… at masyado kang generous kaya kailangan mong pagbigyan lahat ng magaganda na gustong angkinin ka… (ang kupal mo talaga… alalala ko pa pag pinipilit mo ako maniwala na crush kita ayaw ko lang aminin… hahaha)
Napapagod ka na sa buhay na mayroon ka. Minsan napapansin mo na lang ang sarili mo habang nag de-day dreaming. Kung saan, nabubuhay ka sa kung paano ang ideal na buhay para sa’yo.
Tahimik, Masaya, walang problema sa mga subjects, best thesis na, laude pa, (namputsa!) may matinong gf (matino naman ang mga gf mo nung sem na yun ah) yung tipong pwede na pang matagalan (ah… un naman pala… pde naman lahat sila, ikaw lang ang hindi),ung masarap protektahan, masarap kasama, masarap kausap, parang … di mo na itinuloy… tumingin ka lang sa akin,ngumiti na parang may ibang ibig sabihin…(uhm…sige subukan mo, semplang ka sa akin) matinong relationship with your family members, blah,blah,blah… (brod, ikaw ba talaga yon?)
Ang bottom line, pakiramdam mo nang mga panahon na iyon, hindi mo nararamdaman ang buhay sa mundong ginagalawan mo. Parang kasama ka naming, tumatawa, napunta sa mga body meetings at activities ng org, pumapasok sa klase, gumigimik, umiinom, sumasali sa choral and dance competition, nagpraractice kasama namin, nagbibiro, nagkwekwento….
Pero ang totoo, ang isang parte ng pagkatao mo, kinakausap ang sarili mong sa tingin nya ay mas nakakaunawa. Ang isip at puso mo,nabubuhay sila sa mundo kahalubilo ang mga tao sa lugar at panahong nilikha mo para sa iyo. Doon pakiramdam mo Masaya ka… kasi naroon lahat ng achievements na di mo kayang makuha sa mundong ginagalawan nating lahat.
Pero sa gabi nang isang gitnang tag-araw, nagising kang lumuluha at mayroong di maipaliwanag na lungkot sa puso mo. Mayroon kang hinahanap na di kayang ibigay ng mundong nilikha mo ng lingid sa kaalaman ng lahat. Kahit gaano mo pilitin, hindi ka na makatulog ulit dahil malikot na gumagalaw ang diwa mo… Pilit kang tinatanong kung nasaan at paano makukuha ang mga bagay na di mo maibigay sa sarili mo. Saka mo malalamang hindi ka talaga napasaya ng mga pangarap mo. Dahil wala talaga sila sa mundong ito. Dahil bukod sa’yo, walang ibang nakaka alam ng mga pangyayari sa mundong ginalawan at nilikha mo sa likod ng isipan mo. Pilit mong hinihiling na sana may kakayahan kang dalhin sa mundo ng mga buhay ang mga pagkakataon, pangyayari, mga tao na inakala mong nakasama talaga sa mga panaginip mo. Pilit mong ipinagdarasal na sana ikaw na lang ang tauhan sa movie o sa libro na kagabi lang ay binabasa mo. Naiisip mong sana kaya mo talaga silang hawakan, kausapin,patawanin, mahalin…
Bakit at paano ko nga ba nasasabi ngayon ang lahat ng ito? Dahil ba sa ngayon ko lang nakikita ang sagot at naunawaan ang lahat nang sinabi mo non? Dahil ba minsan, pakiramdam ko, nabubuhay din ako ngayon sa mga pangarap? Hinihiling ko na din ba ang ilan sa mga bagay na noon ay hiniling mong maganap sa buhay mo? Nakakatawa pero sarili kong mga tanong, di ko masagot… sarili kong damdamin, di ko kayang damhin at maunawaan… paano ko pa ito mabibigyan ng kahulugan kung kahit ako ay naguguluhan?
Ang dami nang bagong mukha ngayon sa tambayan…Wala na din ata ang AEMS sa White House H3… ilang ulit nang nalagas at namunga ang brain tree…natapos ko nang basahin ang Deception Point, The Da Vinci Code at ilang ulit ng binalak simulan ang Angels and Demons ni Dan Brown. Natapos nating pareho ang mga theses natin.. Graduate na tayo pareho at nagtratrabaho…
Nabubuhay ka pa din ba sa pangarap? O natutunan mo na bang lasapin ang tamis at pait ng tunay na mundo? Naaalala mo pa ba ako at yung mga trippings natin nung college? Yung budget meal sa Ellens? Eh yung share ko na San Mig Light at Red Horse na madalas ikaw ang tumitira (takang-taka sila di ako nalalasing eh ikaw, mukang adik na)… eh yung pakikipaglaro natin ng hide and seek sa mga UPF kasama ng mga iba pang brods at sisses pag inaabot tayo ng curfew sa tambayan after ng org activities? Hahaha…
Ako naaalala ko pa sila… at siguro nga, kahit di ko napapansin, madalas ko na pala silang buhayin ngayon sa aking mga pangarap. Minsan, may pagka futuristic… madalas dinadala ko daw dun yung mga taong sa pangarap ko lang din nakilala… pero tama ka… may limitasyon ang klase ng kasiyahang kaya nilang ipadama… dadating sa puntong nakakapagod na… yung tipong hindi mo na kayang bigyan ng direksiyon ang mga iniisip mo? Yung tipong hindi ka na natutuwa sa kung paano dumadaloy ang istoryang ikaw lang din ang gumagawa… hanggang pasikip ng pasikip ang mundong kaya mong galawan… hanggang sa hindi mo na kayang huminga…. Yun tipong parang puputok na ang utak mo sa pag-iisip? Pero wala kang ibang mapagsabihan maliban sa sarili mo…. Yun tipong nakakulong ka na lang sa kung ano ang kayang idikta ng diwa mo….Hanggang sa gustuhin mo ng makalaya… Pero paano? Saan ka magsisimula?
Di ko alam kung saan ka nailipad ng mga pangarap mo… Di ko alam kung tuluyan ka na nga bang nakalaya at nakapasok sa magulong sistema ng kalakaran sa mundong ito… Di ko alam kung nakakasabay ka na ba sa agos o natutunan mo na ding gumawa ng sarili mong daan taliwas sa pinupuntahan ng karamihan…
Dalawang taon mula noong pag-uusap nating iyon sa tambayan… Nahuli tayo noon sa klase sa humanities at kamuntik ng di makakuha ng long quiz (akalain mong may long quiz pala?).. di ko na maalala kung nasundan pa ang ganung klase ng pag-uusap natin… Hindi ko na din nasundan pang bilangin kung ilan pa ang mga naging gf’s mo matapos ung 2 na mayron ka nung sem na yun… nawala ang contact natin sa isat’-isa… di ka na madalas sa fs… di ko alam kung may account ka sa multiply…
Patuloy kitang hinahanap sa tunay na mundo at sa daigdig ng mga pangarap…. Baka sakaling naroon ka… Baka sakaling alam mo na kung paano makalaya… Baka sakaling maturuan mo ako kung paano ang tunay na tumawa, magbiro, gumimik, mag-enjoy, mabuhay, magmahal… Baka sakali….Sana dumating ka at gisingin ako sa aking pagkakahimbing sa isang pangarap sa gabi ng gitnang tag-araw….
** THIS IS FICTIONAL... ALTHOUGH THE LOCATIONS WRITTEN HERE DO EXIST, THE WRITER IS JUST ARGUING WITH HER OWN THOUGHTS AND ADDED THE PERSONALITIES OF THE PERSONS SHE MET IN THE PAST AND AT THE TIME THE STORY IS WRITTEN TO MAKE IT APPEAR REAL...