feelmysoul

hear my random thoughts.... they are the echoes of my screaming soul...

Monday, June 29, 2009

IKAW ANG ALCOHOL AT AKO ANG SUGAT

"Aray!" Medyo nagulat ko pang reaksiyon ng dumampi sa balat ko ang mainit at mahapding sensasyong dala ng bumuhos na likidong laan upang maiwasan ang impeksyon sa nakabukas at sariwang sugat sa aking hintuturo.

"Gagi, wag kang malikot, sandali na lang 'to. Akina ulit kamay mo...blah blah blah" naulinigan ko pang sabi ng pinsan ko habang muli niyang binawi ang hintuturo kong nahiwa ng tatanga-tangang kutsilyo...

Ilang saglit pa ang nagdaan ng muli kong naramdaman ang kirot na tila pumupunit sa himaymay ng aking hintuturo... habang unti-unti ding umaakyat ang kirot, mula sa aking mga ugat patungo sa aking sugatan at di pa naghihilom na puso...

"Aw! Pare inuutusan mo nanaman ako maging emo ah!" narinig kong nagreklamo ang nagsisimula ng malumbay na puso kay bosing na hypothallamus...

" Huwag kang magreklamo at muli kong ipapaalala sa 'yo ang dahilan kung bakit kailangan mong maging emo. "
ang punong-puno ng awtoridad na pahayag ng sadistang si hypothallamus..

At parang katulad ng isang sinehan, nagsimula ng itorture ni hypothallamus ang kawawa at sugatang puso. Hanggang unti-unti ay tila isang masayang panaginip na nagsalimbawan sa aking gunita ang mga eksena at pangyayaring dati ay anong tamis at sa tuwina'y hinahangad na sana'y maulit at kung maaari ay wag nang matapos pa...

Ang unang pagkikita na sinundan ng marami pa...

Ang unang dula sa pinilakang tabing na ating pinanood na sinundan ng dalawa pa...kung saan ang bawat iniwang alaala ay higit na nagiging mas mahalaga kaysa sa mga nauna...

Ang unang halik na sinundan ng bagama't babahagya ay tila isang libong pinta na iniukit na sa aking ala-ala...

Ang iyong mga ngiti at mga tingin na kahit sa larawan ko lang titigan ay nakakapag hatid ng di normal na pagtibok ng aking puso...("Namputsa tsong, sabi ko mag-emote di ko sinabing maging corny!"-Hypo bumabanat lang)

At ang marami pang bagay tungkol sa'yo na gaano man kaliit ay kaya kong bigyan nang mga kahulugang higit pa sa bilang ng mga bituin na nakasabog sa kalangitan.

Tunay na ang bawat alalala ay nakapaghatid ng di mapapantayang tuwa hanggang parang isang trahedya, ang mga eksenang pilit na ipinapaskil sa aking memorya ay pabilis ng pabilis na dumadaluhong pabalik sa isang partikular na gabi ng tayo ay nagkita patungo sa mga sandaling kung maaari sana ay nais ko ng burahin sa aking isipan...

Nagsimula ang lahat ng pangamba at kirot noong gabi na alanganin ka ng katagpuin ako... at bago mo pa man ipahiwatig, naramdaman na ng puso ko ang iyong pamamaalam... Di ko na nga inasahang magbabago pa ang takbo ng iyong isip... Kaya kahit sakay na ako noon ng taksi, wala akong inaksayang sandali at bumalik ako sa itinakda mong lugar ng tagpuan... para lamang kahit huli na... kahit hindi na maulit pa, muli kitang makasama... para lang may maibaon ako sa aking alaala...

Pagkatapos nating sabay na kumain, wala kang gaanong imik hanggang sa maihatid mo ako sa tahanang tinutuluyan ko... at marahil habang binabaybay mo ang pauwi sa inyo (daan man patungo sa bahay na tinutuluyan mo o daan siguro na magdadala sa'yo sa uri ng buhay na nararapat lamang na uwian mo), isang text ang natanggap ko galing sa'yo... nagpapaalam at humihingi nang pang-unawang ako mismo sa sarili ko ay may pagdududang may kahandaan ko ng ibigay sa'yo.

Alam kong hindi kita pagmamay-ari sa umpisa pa lang... pero dahil sa kakulangan ng karanasan at marahil ng pang unawa na din na dapat ay taglay na ng isang babaeng nasa hustong gulang, hindi ko naiwasan ang matuliro, mag-isip, masaktan at itatwa sa isip ang posibilidad na sa ilang panahon pa, ilang sandali na lang, sa mga darating at mabibilang na pagkikita....ganun kabilis... sa isang saglit... maaari ka ng lumisan at bumalik sa kung saan ka nararapat...

Kaya kasabay ng pag-agos ng luha mula sa mga mata ko nang gabing iyon ay ang paghulagpos ng natitirang pag-asang pinanghahawakan ko sa puso ko na marahil, isang araw, matutunan mo din akong mahalin....subalit huli na...huling-huli na....dahil nang gabi ring iyon ay narinig kong pinakawalan na nang pag-asa ang huling hibla ng kanyang hininga...

Mabilis pang umusad ang bawat minuto, mga oras at araw... oo patuloy tayo sa pagsulit sa nauubos nang mga pagkakataon para magkita, bumuo at mag-ipon ng mga ala-alang pareho sana nating nanaisin na balik-balikan sa pagdating ng mga panahon...

Pero ang bawat pagtatagpo, bagaman at may hatid na tuwa, sa pagsapit ng dilim at sa kawalan ng taong personal na mapagsasabihan nito, ay unti-unting naging tila punyal na tumatarak at kumikitil sa bawat himaymay ng aking mga pangarap... bawat ngiti sa aking mga mata sa tuwing tayo ay magkasama ay nagiging mapait na luha sa aking pag-iisa...

Hanngang sa sumapit ang araw na hindi ko maunawaan kung bakit kailangang pang itakdang maganap habang ang puso ko'y patuloy na tumitibok at nabubuhay na lamang sa nakaraan..

Iilang araw lang ang matuling na lumipas pero pakiramdam ko'y habang buhay na ako sa ganoong sitwasyon..Hindi na tayo muling nagkita.... hindi ko na inaksaya ang aking panahon na kausapin ka pa... hindi ko alam kung magbabalik ka pa at kung paano ang magiging sitwasyon ko sa pagbalik mo... saan ako lulugar? may puwang pa nga ba ang katulad ko sa buhay mo? may nakalaan pa ba sa akin na pahina sa libro ng iyong buhay? May titik ka pa bang maaring iugnay sa karakter ko sa iyong libro kahit na para sa salitang "kaibigan" lamang?

Lumipas pa ang mga araw.. muli kang nagbalik...habang ako ay tila naipako na sa nakaraan at sa pait na siya na lamang nagpapatibok sa king puso...

Heto ka, nagbabalik at kinakausap ako na parang walang nangyari...

Heto ka, punong -puno ng kasiglahan habang ako ay naiwang walang alam sa kung ano ang nangyari sa pagitan ng iyong paglisan at muling pagbabalik...

Heto ka nag-aalok ng pagkakaibigang bukal sa iyong loob habang kay hirap tanggapin sa aking panig na hanggang doon lang ang lahat at wala na akong dapat na ipilit pa...

Heto ka at pilit na sinasamahan ako dahil hangad mo lang na mapabuti ako...

Heto ka dahil nais mo lang na matulungan akong matanggap ang aking naging pagkatalo at samahan akong umusad ng may positibong pananaw sa ating pagiging magkaibigan...

Heto ka, katulad ng alcohol ay hangad lamang mapigilan ang impeksyong maaring ihatid ng takot, insekyuridad, at kawalan ng pagtitiwala dahil sa aking nasugatang damdamin at pagkatao...

Oo.. Ikaw ang alcohol at hindi mo sinasadyang lumapit at ibuhos sa akin ang iyong pag-aaalala sa ngalan ng ating pagiging magkaibigan...

At dahil ako ang sugat, ang bawat kabutihang ipinapakita mo bilang "isang kaibigan na lang" ay laging maghahatid sa akin nang nakapamimilipit na kirot..

"Ayan bru, tapos na.." agaw ng pinsan kong tila nakakalokong nakangiti at nakatunghay sa luhaan kong pisngi.. "Parang hiwa lang ng kutsilyo iniiyakan pa... " pahabol kantiyaw pa ng impakta...

"Adik... ikaw kaya ang buhusan ko ng alcohol habang sariwa pa ang sugat mo?" asik ko sa kanya habang hindi malaman kung saan at paano itatago ang pagkapahiya..

"Don't you worry couz, in time, your wound will heal... at kahit isang bote pa ng alcohol ang ubusin mo dyan, it won't hurt anymore..."

Napangiti ako sa tinuran niya... tama...darating ang panahon, maghihilom din ako at magiging isang pilat.. at pag nangyari yun, buong pagkatao mo man ang ibuhos mo sa akin bilang isang kaibigan, hindi man natin pareho maitatwa na minsan, minahal din kita ng higit pa roon(dahil ako nga ay naging pilat...ang panget ata pakinggan), hinding hindi na ako masasaktan ng mga pag-aalala mo...

At pag sumapit ang panahong iyon, buong lugod ko ng matatanggap sa puso ko na hanggang matalik na magkaibigan na lang talaga tayo....

(Huwag ka sanang magsawang bumuhos sa akin...titiisin ko ang kirot hanggang mapapanghawakan ko pa din ang bagong pag-asa na nariyan ka pa rin bilang isang kaibigan kapag ako'y isa ng ganap na pilat)..









1 Comments:

  • At June 29, 2009 at 10:03 PM , Blogger Dheng said...

    gurl, tatapatan mo na ba si bob ong? hehe Amazing itong post na 'to ^____^ You have a flair in writing creatively especially of things that really did happen. *wink wink

    Andaming quotable quotes hehe. Pwede na i-GM. Hehe joke lang >",<

     

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home