feelmysoul

hear my random thoughts.... they are the echoes of my screaming soul...

Wednesday, November 9, 2011

KANINO NGA DAPAT ISISI ANG UNTI-UNITNG PAGKALUGMOK NG PINAS?

Isang araw, habang nagbababad ako sa site ng Definitely Filipino, napansin ko na isa ang malikhaing pagsulat sa mga talento ng mga Pilipinong maaaring ipagmalaki sa mundo. Marami sa mga writers sa nabanggit na site ang katulad ko na amateur lamang at walang pormal na edukasyon sa larangan ng pagsulat. Yun bang tipo na isinusulat lamang kung ano ang napupuna sa araw-araw para may masabi at makapag pasikat lang (joke lang, eto naman di mabiro..kung makapag-comment wagas!). Pero in-fairness sa mga katulad namin (oo kasama talaga ako), aware man o hindi, madalas tsumatsamba din kami na makasapul ng sensible na topic kahit medyo balahura lang ang pagkakapost. Ngunit mas higit sa istilo ng pagsulat na nakalahad sa lahat ng posts sa site na iyon, ay umagaw ng atensiyon ko ay ang lawak ng mga iba’t ibang usapin na sinasaklaw ng mga sulatin. Mayroong mga nagpapa-cute lang sa mga topics nila, mayroong tungkol sa mga propesyon nila, may tungkol sa pag-ibig, relasyon sa mga magulang, para sa kaibigan at iba pang mga sulatin na bagamat may kababawan ay nakaka-alis din naman ng umay at may entertainment value din naming matatawag.

Kung merong tungkol sa kababawan, naglipana din ang mga posts na nakapagpapamulat ng kamalayan tungkol sa pulitika, pamumulitika, corruption, relihiyon, nasyonalismo, at iba pang mga bagay na sandaling makakapagpahinto ng mundo mo para sandaling magmuni-muni at pag-isipan ang ilang mga bagay-bagay na totoong nangyayari sa lahat ng Pilipinong nabubuhay sa iba’t ibang panig ng mundo.

Likas ngang may angking galling ang bawat Pilipino. Likas na may talinong angkin upang mapuna na may mga pagkakamaling nagaganap sa Pilipinas at sa mga Pilipinong nananahan dito. Likas na may angking talento upang ipahayag at ibukas ang isipan ng ilang libo pa na patuloy na nananahan sa karimlan. Likas na matapang upang walang pag-aalangan na isigaw at pasimulan ang kilos na mag-uudyok ng maraming pang pagbabago para sa pag-unlad ng sarili. Para sa pag-unlad ng bayan. Para sa pag-unlad ng bawat Pilipino. Para sa Pilipinas. (parang tibak lang).

Pero totoo,seryoso… naisip ko lang ito habang nagbabasa ng mga blogs sa site na nabanggit. Tunay na makapangyarihan ang bawat salitang binibitawan. Lalo na sa panahon ngayon kung saan isang click lang, pede ng maging viral ang isang usapin. At isa talagang malaking tool ang internet upang ipahayag ang mga noon ay tahimik na kuro-kuro at opinyon lamang, lalo na kung ang mga usapin ay may kinalaman sa bayan.

At sa panahon din ngayon, kapuna-punang kahit bahagya ay nababawasan ang kapal ng mukha ng mga corrupt na opisyales ng bayan, unless gusto nilang maging biktima ng cyber bullying, o bahain ng mga reklamo sa mga sarili nilang fb at twitter accounts. Lalo na kung ang lahat ay maaari na ngang magbigay ng opinyon o kumento sa halos lahat ng mga bagay na ginagawa nila. Halimbawa na lamang ay ang bagong labas na larawan ni dating Pangulong GMA na di umano ay isang katibayan daw ng kanyang pinagdadaanang malubhang karamdaman. Hindi pa natatapos ang isang buong araw, nagkalat na agad sa internet ang nasabing larawan kung saan nakasaad din ang mga kuro-kuro at opinyon ng mga mas nag-iisip nang mga noypi.. (Ms. former president, sino ngayon ang inuuto mo?)

Teka, bago ako maligaw sa may kahabaan na din na nasulat ko, ano nga ba ang gusto kong ipunto? Gusto ko lang sanang sabihin na mula noong panahon ni Jose Rizal hanggang sa makabagong panahon ng internet, iphone,ipad,ipod at ng kung anu-ano pang “I” na kaya mong isipin ay talagang hindi pa din matatawaran ang galling ng Pinoy sa pagsusulat. Mga akdang pumupukaw lamang sa atensyon at entertainment value, o akdang nakapagpapamulat ng kamalayan sa tunay na kalagayan ng bayan, o akdang nakapag-paalab ng masidhing damdamin tungo sa pagbabago..(teka lang nasabi ko na ata ito..paulit-ulit? Nasa office pa kasi, sorry naman, inuna muna ang requirements ng boss hehe..Nawala tuloy ang flow ng thoughts…)

Anyway, maging anong akda pa man yan, nais ko lang sabihin na sana, katulad ng mga Pilipinong nauna sa atin, ay hindi tayo basta makuntento na lamang sa pag-gawa ng mga makabagong Noli Me Tangere at El Filibusterismo. At sana ay hindi matapos ang bawat akda sa pagpukaw lamang ng kamalayan at pag-antig ng ating nasyonalismo. The pen (or in our case the keyboard or the internet) is mightier than the sword, oo pero di pa din sapat ang mga ito para magkaroon ng tunay na pagbabago. Sana (kahit ako) paminsan-minsan ay mahanap din ang tapang upang kahit minsan ay humanap ng paraan na pangunahan ang pagsasagawa ng mga pamamaraan at makabuluhang mga gawain na mas higit na makapagpapabuti at ikauunlad ng bayan (bitawan mo ang gulok mo, di na uso yan..kalimutan mo na din ang pagbunot ng baril, mahigpit na ang mga guards ng SM ngayon..di ka na makakalusot dun).

Ang sandatang timutukoy ko ay ang sundot ng kunsensya upang tayo mismo, sa mga sarili natin, ay amining natatamaan tayo paminsan-minsan at alam nating madalas, isa nga tayo sa nakakapagpalugmok ng Pilipinas. Samahan na din sana natin yan ng sandata ng tapang, sipag, tiyaga, tamang disiplina at malasakit sa kapwa Pilipino at sa Pilipinas upang matagpuan natin ang ating mga sariling inaako ang responsibilidad na paulit-ulit nating itinuturo sa kanya…

Siya na kuntento nang namamalimos sa kalsada ang dahilan.

Siya na walang pusong umaalipusta sa mga palaboy sa kalyeng dinadaanan ng minamaneho niyang magarang sasakyan habang pauwi sa mansiyon niya sa isang kilalang subdivision Siya na may pinag-aralan pero walang ginagawa para sa bayan. .

Siya na di nakapag-aral kaya walang magawang kahit na ano para sa bayan.

Siya na Pilipino pero nananahan sa ibang bansa at walang paki-alam sa Pilipinas.

Siya na inugatan na sa bansa pero tumandang wala pa ding paki-alam sa Pilipinas.

Siya na nahalal bilang isang Mayor, Gobernador, Senador, Kongresista at Presidente.

Siya na bumoto at naghalal sa isang Mayor, Gobernador, Senador, Kongresista at Presidente.

Siya na nanatili sa bahay noong nakaraang eleksyon at walang hinalal na sino man.

Siya na nagging Presidente noon ng Pilipinas. Siya na Presidente ngayon ng Pilipinas.

Siya, siya, siya.

Siya na sa pananaw ng magkakaibang tao ay Ikaw at Ako. Oo. Tayo na siyang madalas makapuna ng mga problema sa bansa ang Siya din na isa sa mga dahilan ng mga problemang ito. Kaya tayo din ang magtutulong-tulong para malutas ito.

Alam ko sa puntong ito, kinukwestyon mo na din marahil kung ano na ba ang (kahit na) maliit na bagay ang nagawa o maari kong gawin para sa bansa maliban sa (puro satsat lang na) artikulong ito.

Alam kong di mabigat na deed ito pero minsan ko pa lang nagvolunteer sa Gawad Kalinga…at gusto kong ulitin iyon. Gusto ko ding sumubok pa ng iba pang mga activities bukod dito.

Ikaw? Ano naman ang naitulong mo o maitutulong pa? Alam kong meron. Ibahagi mo naman ang mga plano mo sa comment portion na nakalaan para sa site na ito…upang kahit paano, mabasa nila. Upang kahit paano, malay mo, maging daan ito para nang sa ganun, magtulungan naman TAYO. ?

2 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home