feelmysoul

hear my random thoughts.... they are the echoes of my screaming soul...

Sunday, February 13, 2011

Para Sa Malko Sa Araw ng mga Puso

Batid kong hindi ito ang unang pagkakataon na sinubok kong iukit gamit ang mga salita, at pinalaya ang damdamin kong pilit na ikinakahon nang nakamulatang pagiging kimi ng buong angkan ni Eba.

Subalit gaano man kadalas ang mga nauna nang pagtatangka,ito man ay nilikha nang mayroong ipinagdiriwang na okasyon o wala, sadyang hindi pa din maubos-ubos ang mga letrang magpapaliwanag nang pagmamahal at pasasalamat kong tila wala nang makatitinag.

Magkaganoon man ang paulit-ulit na kahinatnan, nais kong malaman mong hinding-hindi ko pagsasawaan na ulit-ulitin sa aking mga obra na sambitin at isiwalat ang aking abot-langit na pasasalamat…

Sa lahat ng mga oras na ikaw ay nanatili sa aking tabi.

Sa pagmamahal na bagamat sa simula ay pinili mong ikubli.

Sa pagkakaibigan na hindi naputol nang damdamin mong nabunyag at nasukol.

Sa bawat pagkakamali kong iyong itinama at inunawa ng walang gatol.

Sa likas na kakayahan at mga pangarap kong pinangyari mo na aking matuklasan.

Sa suportang iyong ipinamamalas sa tuwina sa kabila nang iyong bahagyang alinlangan at pagtutol.

Sa mahaba pang panahon na lalakbayin nang buhay kong buhay mo lamang ang nais na kabuhol.

Sa higit sa milyon pang mga dahilan na hindi maapuhap ang naangkop na salita, na hahayaan kong damhin mo na lamang sa aking mga kilos at gawi.

Tunay ngang hindi kailanman sasapat ang ililok ka sa pamamagitan nang malalim na mga talinghaga

Upang isiwalat ang napakadami mong kaanyuan at kahalagahan sa akin.

Muli, sa pag-uulit nang paulit-ulit kong sinasambit na di ko pagsasawaang ulit-ulitin nang paulit-ulit…

Salamat dahil ikaw ang nagsilbing susi upang iluwal ang damdaming nakapagpalaya sa ligayang kay tagal nang ikinulong at sinupil ng lumbay…

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home