Ang Sirkulo ng Buhay
Malapit na ang kaarawan ko….ganun din ang kaarawan ni nani… Isang taon na naman ang nadagdag sa aming dalawa… Isang taon na puno ng saya, lungkot, sakit, at iba pang uri ng mga karanasan…
Naisip ko lang…dalawampu at anim na taon bago ngayon, malamang ay parehong sabik na nag-aabang ang aming mga ina, na noon ay bago pa lang din sa larangan na pagpapamilya, ang buong galak na naghihintay sa pagluluwal nila sa amin… marahil ay ganoon din ang aming mga ama…at ang iba pang miyembro ng aming mga pamilya (sa kaso ni nani, ang kanya sigurong kuya)….
ganito ang takbo ng isip ko simula noong lunes pa..
ganito din ako kahapon
ganito pa din ngayon
bukas din ba?
alam ko na….kung nung mga nakaraan ay nakatulugan ko na halos ang pag post sa fb, susubukan ko naman na ibahin ngayong gabi (madaling araw) ang takbo ng mga pangyayari..
bakit di ko kaya subukang ayusin ang mga damit kong halo halo na at gusot na gusot na sa pagkakasiksik at buhol na buhol na nakatago sa damitan kong dinaig pa ang tapunan ng mga basura?
kasunod nito, bakit di ko din kaya subukang isaayos mula bukas ang mga gamit ko sa opisina at ng sa gayon ay magkaroon na din ako kahit paano ng interes at sigasig sa paggawa?
kasunod naman nito ay aayusin ko na ang iba ko pang mga kagamitan para sa nalalapit na paglipat ko ng apartment na titirhan dito sa QC?
tapos ay ang aking pag-uugali at pakikitungo sa kapwa dahil tila katulad ng mga damit kong wala na sa ayos ay unti-unti na ding gusot at magaspang ang pag-uugali ko nitong mga nagdaang mga araw…
pagkatapos ay isusunod ko nang intindihin at pagtuunan ng mas higit na pansin ang mga mas importanteng bagay at malalaking hakbang para sa ikabubuti ng aking buhay at kinabukasan… katulad ng nalalapit na enrollment at pagkuha ng bagong kurso sa University of the East…
Kasunod nito ay ang pagsubok upang maging mas higit na masinop at masigasig sa pag-aaral…upang makapag tapos nang nasa takdang panahon..at ng sa gayon ay maplano ko na din nang buong husay ang bagong hakbang sa aking buhay kasama ng taong pinakamamahal ko ngayon…
Tapos ay ang pagpapasyang magka-anak ng dalawa… Ang pagpapalaki sa kanila at ang paghubog sa kanilang magandang asal at pag-uugali… ang pag gabay sa kanilang pag-aaral…ang pagpapatapos hanggang sa sila ay magkaron na din ng kanya-kanyang mga buhay… ang kanilang paglisan sa aming nilikhang tahanan…ang pagkakaroon nila ng mga sariling mga pamilya…
Hanggang sa muli, si nani at ako na lamang ang masayang magsasalo sa nalalabi naming mga araw…habang sa likod ng aming mga isip ay naglalaro ang kaisipang marahil ay sa ganoong paraan din nabuhay sa nalalabi nilang mga oras ang aming mga magulang..
Hanggang sa hahanapin na namin ang mga piling gawain na kinaangkupan ng aming liksi at lakas… hanggang sa marahil ay datnan ng mas masidhing takot o pagiging kuntento siguro sa naging takbo ng aming mga buhay… dahil wala nang puwang ang lungkot at panghihinayang… hanggang marahil ay magkusa ng tumakas ang huling hibla ng aming mga hininga at maging parte na lamang kami ng kasaysayan sa mga taong nakakilala, nakasalamuha at nabuhay sa mga panahong kami ni nani ay punong puno pa din ng ligaya at pag-asa…
At sa dako pa roon…bagamat kami ay wala na… batid ko, na saan mang dako ng mundo, ay merong istorya na hawig nang aming buhay na muling mangyayari, magaganap, at mabubuhay sa katauhan ng iba’t ibang uri ng tao… mga taong maaring meron o walang kahit na anong kaugnayan sa aming dalawa..
Dahil ganyan ang sirkulo ng buhay….
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home