feelmysoul

hear my random thoughts.... they are the echoes of my screaming soul...

Wednesday, January 26, 2011

Ang Pananabik

Ang isip ay malungkot na bumubulong
Ang diwa ay naglalaro ng mga tanong
Habang ito ay pilit na ikinukubli
Lalo naman itong nagwawala at di mapakali

Hanggang ang mga daliri ay inabot na ng hapo at hingal
Upang mahabol lamang ang tinig nang diwang garalgal
Sa bawat tipa ng titik ay tila sumasayaw
Sumasabay sa ritmo ang bawat kilos at galaw.

Ang bawat tibok ng pulso ay buhay na tumatagos
Dumadaloy, naglalakbay hanggang sa maipahayag ang tinig na paos
Pilit inaalam ng pang-unawang kapos
Ang nais bigkasin bago humantong itong tula sa pagtatapos.

Umabot na ang lahat sa ika-apat na saknong
Ngunit ang nais ipahayag bakit di pa rin maarok?
Paano ko nga ba bibigyan ng tinig ang kanyang mahinang bulong?
Kung kahit sa diwa ko lamang ay di magawang hubugin at ililok
Ang lupon ng mga salitang dito ay naangkop?

Ang daloy ng diwa ay sapilitang ikinulong at iginapos
At saka ginamitan ng tanikalang mahigpit ang pagkagulapos
Upang tuluyan nang mahuli at simulan ang pagtutuos
At nang dumaloy na ang kaisipan sa tama at ayos.

Ngunit bakit ang puso ko'y nakaramdam ng pagtutol
Tila ang pagkakulong ng diwa ay di makatwirang hatol
Dahil ang sigaw ng isip ay sa paglaya mismo patungkol
Paano ko nagawa itong gawing bihag ng walang gatol?

Doon nagsimulang marining ang nakabibinging hiyaw
Ng isip kong sagaran ang nararamdamang pag-ayaw
Di na kayang pawiin ng bawat pitik ng oras ang lungkot at pagkainip
Nais ko nang makawala at isabuhay ang isang antigong panaginip

Dahil ang bawat takbo ng diwa at mga salitang binibigkas
Ay katulad din ng pagkilos at pakikitungo na hindi na likas
At sapilitang nakakubli habang nakaamba ang pagtakas
Sa mundong naliligiran ng nangungutyang mga rehas.

Bakit nga ba ngayon pa tila kay hirap magtiis?
Pakiramdam ko ay aabutan na ako dito ng pagkapanis
Gaano na lang ba katagal ang kailangang ipaghintay
Upang sa kasalukuyang gawain ay iwasan muna ang maumay?

Bakit kung kailan malapit na ang paglaya at paglisan
At saka naman takbo ng mundo ko'y lalong sumisikip,bumabagal
Kung kailan malapit na ang katuparan ng mga pangarap
Ang pagdating ng pasensiya ay lalong nagiging matumal?

Tuwina ay binibilang ang mga minuto, oras, araw at buwan
Kailan ba sasapit ang paglikas na kay tagal ng inaasam
Hanggang mapagpasyahang mga mata na lang ay ipikit
At ibulong sa hangin ang panalanging taimtim
Umaasang sa paglipas nang isang saglit
Ay tuluyan nang magwawakas ang nakamamatay na pananabik.

1 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home