feelmysoul

hear my random thoughts.... they are the echoes of my screaming soul...

Friday, February 4, 2011

Para Sa Dakilang Alitaptap


Pagkakaibigang nag-ugat pa sa panahong nakalipas

Di man mapilit ibalik ang nakaraan ay di pa din kumukupas

Sa aking alaala ay hahayaang manahan ng walang wakas

Ang samahang walang kasing dalisay at likas

Bagamat namagitan ang mahabang taon ng pananahimik

Alam kong sa puso mo ikaw pa din ang kaibigan kong matalik

Ngunit kong ako ang pipili nais kong panahon ay manumbalik

Upang tayo ay makabawi at ng maibsan yaring pananabik

Luma na ngang ituring ang mga bagay na dati’y kinahiligan

May iba-iba na ring buhay ang noo’y matitipunong mga lakan

Na sa ating mga murang puso ay naghahatid ng kagalakan

Na pinatamis pa ng kilig, pag-asa, kulitan at asaran.

Sa bilis ng panahon ay madami na nga ang nagbago

Kasama nitong umagos ang magkakaibang pagtakbo

Nang ating mga kapalarang sinunod lamang ang gusto

Na idinikta nang ating mga diwang inudyukan ng tibok ng puso

Tuluyan mang tumakas at sinupil ng makabagong mundo

Ang kainosentehang noon sa atin ay dalisay at totoo

Gaano man maging kalaya ang ideolohiyang pinaninidigan

Sa’yo pa din babalik ang katapatan ko bilang isang kaibigan

Kaya sa araw na ito na tulad din ng mga taong nagdaan

Di ko man naiparating ang aking pagbati sa iyong kinaroroonan

Nais kong ipabatid na di nawaglit sa isip ko kahit minsan

Ang mahalagang araw nang iyong kapanganakan.

At hiling ko na sana ay mahaba pa ang iyong lakbayin

Sa bawat landas ng buhay na pipiliin mong tahakin

Dahil ang tulad mo ay higit pa sa makinang na hiyas

Na sa mundong ito ay nagpamangha nang taglay na tikas

Tulad nang isang haliparot ngunit dakilang alitaptap

Hangad kong maging mas maliwanag pa ang taglay mong ilaw

Upang mas maging matatag pa, at puno ng tapang

Sa pagsalubong sa agos ng pagsubok sa dilim ng mundong ibabaw.

1 Comments:

  • At February 4, 2011 at 8:06 AM , Anonymous Anonymous said...

    huwaw naman. salamat nei! natouch naman ako. wah. pwede ko ba ito irepost sa blog ko? :D

    labyumor! mwah mwah!

    (babawi na lang ako sayo sa bokdey mo, na malapit na rin! hahaha. napresyur tuloy ako.)

     

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home