Pagninilay Habang Dumadaan si Pedring
Nagising ako kaninang umaga sa nagpapaligsahan sa palakasan na hampas ng hangin at buhos ng ulan na dala ng bagyong si Pedring. Naliligo na ako ng mag-announce sa radyo na wala ng pasok ang mga government offices sa Metro Manila.
Maliban sa pagkawala ng kuryente kanina ng halos maghapon, komportable pa rin naman ang pakiramdam sa loob ng bahay. Masaya akong nakipag kwentuhan at nakipag biruan sa aking mga housemates, nakipag laro sa kanila ng Guesstures at tongits, nag facebook, ng twitter at nag reblog ng mga posts sa tumblr. Maya’t maya ko din kong itext ang boyfriend ko at iba pang mga kakilala at masaya akong malaman na safe naman lahat sila na kasalukuyan ding nasa loob ng kani-kanilang mga bahay. Nakatulog din ako ng mahabang oras buong hapon sa aking malambot na matress habang komportableng nakapatong ang ulo sa malambot din na unan at balot ng kumot.
Sa pagitan ng pagpapahinga kanina at paghihintay na magkaroon ng kuryente, naisip ko kung gaano kalala ang sitwasyon ng mga taong iabot ng bagyo at dinaluhong ng mataas na baha sa labas ng kanilang mga tahanan. Naisip ko yung mga taong kinakailangang pumasok sa kani-kanilang mga trabaho.. yung kinakailangang ipakipagsapalaran ang mga sarili nilang buhay para lamang makasigurong madurugtungan ng kahit isang araw pa ang buhay ng mga kapamilya nila na araw-araw kumakalam ang mga sikmura sa gutom.
Ilang kanto lang mula sa apartment na tinutuluyan ko at ng mga officemates ko, merong mga pamilya na halos araw-araw naming dinadaanan sa kariton nila na nagsisilbi na ding tahanan para sa kanila… Naisip ko, san sila sisilong sa lakas ng ulan at ng hangin na nagpapahirap sa madami pang katulad nila? Paano nila lalabanan ang lamig kung mismong ang kumot na ibabalot nila sa kanilang mga katawan ay basang-basa na din katulad ng mga saplot nila? Paano sila mamayang gabi..at sa madami pang gabi na dadanasin nila? Paano nila nagagawang malampasan ang bawat araw at salubungin ang bawat umaga ng may ngiti?
Naisip ko kung gaano ako kaswerte. Naisip ko kung gaano din ako kahina para di malagpasan ang saglit na pagkainip ng dahil lang sa paghihintay na magbalik ang kuryente. Naisip ko din kung gaano ko madalas na ipinagwawalang bahala ang lahat ng mga bagay na normal na lang para sa akin na magkaron ako.
Ngayon, habang isinusulat ko ito, di ko alam kung paano ao makakatulong kahit na bahagya sa kalagayan nila ng di naman aabusuhin ang anu mang tulong na makakaya kong ibigay. Iniisip ko din na sana, magkaron pa ako ng iba pang pagkakataon bukod sa minsanang pagboboluntaryo sa GK para makatulong kahit paano sa ikaaalwan ng mga buhay nila.
Sa ngayon, itinataas ko muna sa Panginoon ang paghiling na naway patnubayan Niya at gabayan sa araw-araw ang mga pamilyang mas higit na naghahanap ng Kanyang pagkalinga.