feelmysoul

hear my random thoughts.... they are the echoes of my screaming soul...

Monday, April 19, 2010

Mga Ala-Alang Katulad ng Gula-gulanit na Duyan...(as of March 26,2010

Biyernes na naman… noong nakaraang linggo lang, excited pa ako na makita ka… muling masilayan ang iyong mukha, mabanaag ang pag-ukit ng ngiti sa iyong mga labi… makita kang sinusundo ako mula sa malayo at nakabukas ang mga kamay na naghihintay ng mga yakap ko…(kahit na noong mga huling araw, alam kong napipilitan ka na lang na gawin yon)

 
 

Nung isang linggo lamang iyon… pero kay bilis ng mga pangyayari… kay bilis na nagbago ng lahat ng mga bagay…

 
 

Magkaganun paman, pakiramdam ko ay naiwan ako ng mga pagbabagong kay daling naganap at nanatiling nakahinto sa isang yugto ng gunita ng ikaw ay aking kapiling pa… tila buhay ko pa ding naaalala sa aking gunita ang bawat sabadong magigising ako sa yakap mo… ang dampi ng di kainitang sikat ng araw na humahaplos sa balat ko… ang amoy ng hanging nagmumula pa at pumapagaspas sa mga halamang nakapalibot sa bahay niyo… ang tunog ng mga halakhak at masasayang kwentuhang nakakagisnan natin na nagmumula sa iyong mga magulang, kapatid at dalawang pamangkin…(ang pag-aakalang malapit ko n ding marinig ang tinig a halakhak n gating sariling supling) ang halos buong hapon nating pananatili sa duyan na nakasabit di kalayuan sa bahay niyo…

 
 

Buhay na buhay pa din sa aking mga alala-ala ang bawat pagkalabit mo sa kwerdas ng iyong gitara… ang walang pagod mong pagtuturo upang aking masabayan at matutunang kulbitin ang mga tamang nota… ang iyong tawa, ang iyong mga ngiti, ang iyong bawat paghuli sa mga kamay kong nagbabantang kurutin ka sa iyong tagiliran pag napipikon na ako at sumusuko ng matuto…

 
 

Parang nararamdaman ko pa din ang mahinang pag-ugoy ng duyan habang magkatabi tayong nakahiga dito…

 
 

Naririnig ko pa din ang tinig mo habang magkasama nating binubuo ang ating mga pangarap sa hinaharap… (si ram… si chaste.. ang mga anak na sana'y nagging sa atin…kung di lang sana…….)

 
 

Ang pagkakaroon ng dalawang supling (ang mga munting tinig na sa isang iglap ay naglaho…masait…napakasakit)… ang paglipat ko kasama ng pamilya mo… ang pagtratrabaho ko malapit sa paaralan na pinagtratrabahuhan mo… at ang marami pang mga pangarap na ilang ulit nating hinabi hanggang sa abutan tayo ng pagsabog ng milyong-milyong bituin sa kalangitan…

 
 

Nangungulila ako sa'yo…(at higit pang nangulila sa pagkawala ng isa sanang magandang pangarap…isa sanang bagong buhay) hinahangad kong muli kang makasama (at aluin ako at alisin sa matinding lugkot na bunga ng pagsisi at mga multong I ko sinasadyang likhan).. Upanng uli ay makadaop ng nanlalamig kong palad ang mga kamay mong dati ay puno ng init ng pagmamahal na para lamang sa akin… (O nabulag nga lang ba ako sa pag-ibig ko at inakala kong ako ay minahal mo din?)

 
 

Noong mga panahong hindi ka pa naagaw sa akin ng iyong mga pangarap at ambisyong yumaman at magkaroon ng magandang buhay… Noong kuntento ka pa sa mga bagay na maari nating maabot ng magkasama… Noong mga panahong madali pa para sa akin ang paniwalaan ka pag sinabi mong mahal mo ako at ako lamang ay sapat na upang tawagin na katuparan ng mga pangarap mo.. Noong mga panhong buong buo pa ang aking pagkatao…

 
 

Sa bawat pagpikit ng aking mga mata, sa bawat pagsikat ng bagong umaga, sa bawat haplos ng hangin, ay naamoy ko pa din ang balat mo… naaalala ko pa din ang pamilyar na pakiramdam na nadadarama ko tuwing ako ay nasa Pangasinan… Tila nararamdaman ko pa din ang mabining pag-ugoy ng duyan at naririnig pa din ang tibok ng iyong puso habang tayo ay magkaakap na nakahiga sa duyan mo..

 
 

Sa kabila ng lahat ng sensasyong ito, batid ko ang katotohanang sila ay likha na lamang ng aking mga pangarap na ikaw ay magbalik…. Hatid na lamang ng aking imahinasyon na inukit mula sa mga matatamis na panyayaring (inaakala kong) naganap sa ating kahapon…

 
 

Tapos na nga ang lahat.. At wala na akong ibang magagawa maliban sa sulitin ang bawat panghihinayang sa pamamagitan ng pagtatala at pagpapadama ng lahat ng aking nararamdaman… ng aking buong puso… ng aking natitirang pangungulila at pagmamahal sa'yo at s asana ay bunga ng pagamahal ko sa'yo…Kung di ka lang sana biglang nagpaalam, dir in sana maglalaho at magsisilbing ala-ala na lamang ang pagkakaron sa'yo ng supling…

 
 

Kung sakaling matunghayan mo ang akda kong ito, ninanais kong maramdaman mo pa din ang mga huling hibla ng pag-ibig na nais kong maramdaman mo sa tuwing ako'y kakatok sa iyong puso at bibisita sa iyong ala-ala…

 
 

Hindi ko masasabi ang mga susunod na pangyayari… Maaring pareho nating matutunan na muling magmahal ng iba…. Maaaring muli nating matagpuan ang ating mga sariling tinatahak ang daan pabalik sa kung saan tayo nagsimula… Pero sa ngayon, mamamaalam muna ako sa iyong pagmamahal habang pilit iingatan sa aking puso ang ating pagiging matalik na magkaibigan….