Habang binabasa ko kanina ang mga wall posts sa fb account mula sa mga kaibigan at kakilala mo...lalo na yung posts ni te lorie at ng mga kapatid mo... unti-unti ko din naalala yung mga panahon na nakita kita, nakausap, nakatext, at nakachat. Hindi ko na nga maalala kung saan o kailan yung huli…. Kung kasama mo ba noon si ate lorie o hindi. Basta ang paulit-ulit lang na naaalala ko ay ikaw, suot ang paborito mong green na polo shirt, maong na pantalon at leather shoes. May dala kang kulay itim na mahabang payong. Nakangiti (na di ko alam kung nang-aasar o sadyang ganon ka lang talagang ngumiti).
Noon, tuwing nagkikita tayo, (siguro dahil sa hindi rin naman talaga tayo sobrang close at sadyang pala-bati ka lang kaya) automatic na kinukumusta mo din sa akin si Tan-tan. Para lang din may mapag-usapan siguro. Hindi din tayo kailanman naging sobrang close, pero isa ka sa mga tao na kahit minsanan ko lang makausap sa text o chat, eh isa din sa naglalaan talaga ng panahon para makinig (kahit siguro napipilitan lang), magpayo, o kung di naman kaya ay mang-asar. Sa lahat ng mga bilang at piling mga panahon na iyon, madami-dami na din ang mga compliments mo at mga payo na hinding hindi ko makakalimutan.
Sa pagsusulat… Naalala ko nung aplikante pa lang ako at una kita makilala sa AEMS. Isa ka nun sa (mukang) pinaka approachable na residente sa tambayan. Nangungupal ka na at lahat pero nakangiti ka pa din. Lahat ng sinasabi mo, may laman. Yung tipo ng di ko malaman kung seryoso ka ba sa sinasabi mo o sadyang nang-aasar ka lang at sinusubok mo kung pag-iisipan ko ba ang mga pinagsasabi mo bago ko patulan na sagutin o gawin.
Naalala ko na pinagawa mo ako ng essay. Sabi mo ako na ang bahalang pumili ng topic. Kahit na tungkol saan..basta green at Garamond ang font..yung 10 lang ang font size, back to back, 10 pages. Hindi ko alam kung seryoso ka ba nun, pero malamang nang-uuto ka na lang din dahil ang lakas ng tawa mo nung pumayag ako. Pinag-isip mo akong mabuti kung kaya ko. Sabi mo, gusto mo may substance yung topic. Yung hindi nangbobola lang para lang maka comply ako sa requirement mo. Sa huli binawi mo din lahat ng requirements mo tungkol sa essay maliban sa green na font color.
Hell week yung panahon na yun. Kaya naman nag-print na lang ako ng speech na ginamit ko sa speech comm nung nakaraang sem. Confident pa ako nung una ng ibigay ko sa’yo yun kasi uno ang grade ko sa speech comm.. Pero malas ko na lang din dahil hindi ko pa alam nung mga panahon na yun na news editor ka pala sa Perspective. Kaya ayun. Dahil dun siguro, nalaman mo in a way na recycled yung essay na pinasa ko sa’yo (life and death ang topic ng speech/essay ko na’yon).
Nasa bamboo chairs tayo nun sa CEM. Pagkabigay ko sa’yo nung essay ko, binasa mo na din agad-agad. Bilang aplikante pa lang ako ng org noon at alam kong recycled work ang binigay ko sa’yo, sobra-sobra din ang kaba ko nun. Gustong-gusto ko ng umalis na lang nun para bahala na lang kung ano ang sasabihin mo sa susunod na activity sa org. Pero matapos mong basahin ang gawa ko, kahit na alam kong hindi ka satisfied, nakangiti ka pa din nang sabihin mo sa akin na marunong ako magsulat… may talent…kailangan lang ng practice..at mas maganda sana kung hindi basta-basta yung sinulat ko. Kung hindi parang nagamit na sa ibang bagay. Sabi mo, ayaw mo ng recycled na gawa. Sabi mo sa akin noon, mas maganda pa siguro ang ginawa ko kung bago ang topic. Kung ginawa ko ng sadya ng dahil sa requirements mo at ng hindi dahil sa ni-require na sa ibang bagay. Sabi mo huwag kong sayangin yung talent. Magsulat pa ako ng marami. Magpraktis. Magbasa. Alamin ng husto ang topic na isusulat. At wag na ulit mag-recycle ng essay. (Kuya, hindi ito recycled, promise!) Inalok mo din ako kung gusto kong sumali sa Perspective. Tumanggi ako. Hindi ko kasi kaya. Alam kong hindi ako ganun kahusay at kulang ang talent lang para magsulat dun.
Sa self-confidence…at social networking sites na din siguro…
Two years na akong nakakagraduate noon. Bago pa lang ako nauusuhan ng facebook at wala pa noong isang daan ang fb friends ko. Nakita kong may friend request ako galing sa’yo at may message pa na kasama…nangungumusta, nang-aasar at nagtatanong ng buhay-buhay at ng lovelife. Wala pa akong love life noon…tinanong mo kung bakit at nabanggit ko sa’yo ang ilan sa mga insecurities ko. Kung tutuusin, wala naman talagang bago sa lahat ng mga pinayo mo noon. Pareho lang din sa mga nabasa ko na sa mga libro at narinig ko na sa ibang tao. Siguro feeling ko ngayon, nagkaroon na lang din ng weight yung sinabi mo noon dahil nga sa biglaang pagkawala mo. Hindi ko marecall yung exact words mo pero sabi mo, may mga qualities din naman ako na maganda. Na hindi ko makita kasi nga, masyado kong iniisip yong mga bagay na ayaw ko sa sarili ko. Sabi mo, hindi ako dapat na nahihiya na makipag-kaibigan o makipagkilala sa iba. Hindi dapat natatakot na magsalita na baka mali ang mga sinasabi ko at baka mamis-interpret o hindi magustuhan ng iba. Sabi mo hindi ako dapat maging masyadong tahimik at mahiyain. Kailangan ko din mag-open up. Kinumusta mo din noon ang pagsulat ko, na sabi mo nga, pwede kong ituring na isa na ding magandang quality. Sabi ko sa’yo noon, hindi na ako nakakapagpractice. Tinanong mo kung may blogsite ako. Sabi ko wala… nakakatamad kasi magsulat. Doon mo ipinakilala sa akin ang twitter..sabi mo one liner blog lang yun. Pede na din subukan para kahit pano may practice pa din. Mga ilang buwan din siguro na ikaw lang ang pina-follow at follower ko sa twitter bago ako naging interested din na gamitin talaga yun. Nagsimula din akong sumubok ulit na gumawa noon ng blog account sa blogspot…na matagal din bago nagkaroon ng laman.
Ngayon, lumalabas na ako kasama ng mga bago kong kaibigan. Nakikipagkilala sa iba pa, mapa-facebook (now with 700 friends and counting), twitter (hanggang 75 followers lang ang kaya eh) o mga nakikilala at nakakasama sa mga field works at office. Minamahal ang sarili. Naniniwala na madaming kayang gawin. Hindi man ikaw ang direktang dahilan kung paano ako nagkaroon ng tiwala sa sarili, alam kong isa ka pa din sa naging daan kung bakit mas tumaas pa ang pagtingin ko sa mga sarili kong kakayahan at karakter.
Sa lovelife…
Parati mo akong kinukulit noon tungkol sa lovelife. Sabi mo masarap ma-inlove. Masarap magmahal. Masarap mahalin. Basta masarap, dapat subukan ko. Sabi mo wag ako magpaka-manang..huwag sayangin ang genes..Sabi ko takot ako masaktan at magtiwala. Ang sagot mo, dapat paminsan-minsan, magpaloko din ako at magpa-uto kung talagang gusto kong magmahal at mahalin. Sabi mo noon, pag nakita ko na at ramdam na ramdam kong yun na ang the one, dapat hindi ko na pakawalan pa ang tao na yun. Sabi mo dapat tularan kita. Sabi mo (goose bumps dahil parang nag-echo ang boses mo) laging alam ng puso kung saan at alin ang tama…kaya pag sinunod ang puso, malamang, hindi ako magkakamali. Katulad mo. Tinawanan lang kita nun. Nakokornihan kasi ako sa mga sinasabi mo. Naisip ko nun, in love ka nga kay ate lorie. Kung anu-anu na kasi ang mga sinasabi at pinapayo mo sa akin eh.
Hindi ko alam kung di lang ba ako aware na nasunod ko ang payo mo, o sinuwerte lang ba ako. Basta ang alam ko, after 24 years, may lovelife na ako. At willing ako magpaloko at magpauto sa kanya paminsan-minsan. As long as masaya ang puso ko, hindi ko din nakikita ang sarili kong pakakawalan ang lovelife ko ngayon.
Huling hirit…
Maliban sa mangilan-ngilan na palitan ng text (na noong January pa siguro ang huli dahil nagbatian lang tayo ng Happy New Year) at sa minsan na chat, pag comment at pag-like sa mga posts sa fb dahil busy ka, hindi na tayo nakapag-asaran ulit. Wala ng mga korni na lines at payo na minsan nirereplyan ko lang ng “yikes kuya john” kung saan “hehe or smiley” lang ang sagot mo tapos end of conversation na…
Ang huling time na nakausap kita, halos two weeks ago na. Dahil alam kong likas kang magaling na magsulat (dahil minsan ko na ding binisita ang site mo sa wordpress) at mahilig magbasa (dahil book review noon ang blog entry mo), isa ka sa mga naisip ko tanungin kung ano ang book na magandang basahin. Inumpisahan mo sa biro ang sagot mo, pero sa huli, nag-suggest ka din ng magandang basahin. Sabi mo nga, yung Batbat Hi Udan. Kakaiba ang title, akala ko noong una, joke mo lang ulit. Sabi mo book yun na sinulat ng college friend at kasama mo sa Perspective. Sabi mo sa Boston Café pwedeng makakuha ng copy. At elbi ang una kong naisip na lugar kung saan may Boston Café. Nakakatamad. Tinanong kita kung saan pa ako pwedeng bumili nung book na yun. Sabi mo pwede mo ako pahiramin..sabi mo sayang lang yung book kung nakatabi lang sa shelf…sabi mo di yun dapat nakatabi lang. Sabi mo dapat yun shine-share. Nagtanong pa ako kung paano ko makukuha kahit na obvious ang sagot. Malamang kailangan kita i-meet para makuha ko ang book. Pero gaya nga din ng sinabi ko, tinamad ako.
Hanggang last week, bago ka mawala, seryoso kuya, iniisip ko noon na kunin ulit ang number mo at ini-imagine ko na din na kinukuha ko sa’yo yung book. Pero sorry,kasi mas nanaig yung katamaran ko na pumunta ng elbi. Biglaan din kasi ako nagkaron ng travel at iniisip kong gusto ko na lang i-save ang energy ko nang weekend na ‘yon. Pero seryoso, totoo, gusto din kita makita at ng makapagkumustahan na din at makibalita tungkol sa’yo at kay te lorie, kahit sandali lang. Sabi ko na lang sa sarili ko, sa susunod na week na lang pagkagaling sa travel. Madami pa namang time… Next time na lang…
Hanggang noong Friday,sa airport, nagulat na lang ako sa wall post na nabasa ko. Wala ka na pala. Sabi ng brod at sis na natanong ko, cardiac arrest daw. Nalungkot ako. Sabi ko, promise, kinabukasan, pupuntahan na talaga kita. Tamang-tama, kasama kong uuwi sa Laguna ang lovelife na dinikta ng puso ko…ang lovelife na hindi ko papakawalan gaya ng sinabi at ginawa mo. Pero dahil na din sa sobrang pagod, hindi ko na naman natupad yung pangako ko. Kuya John sorry…drawing talaga ako :( Siguro,guilt din ang isa sa mga dahilan kung bakit isinusulat ko ngayon to. Pero kuya, alam ko na sa lugar kung nasan ka ngayon, alam kong alam mo how sorry I am. Ang dami kong excuse…hindi ko alam kung talagang tamad lang ba talaga ako o dahil din naduduwag ako..kasi sa lahat ng uri ng paglisan, yung death ang pinaka ayaw at kinatatakutan ko. Ayaw kong makakita ng mga taong nasasaktan..nalulungkot..nahihirapan..nangungulila..Kung sa fb posts mo pa lang, ganyan na sila, paano pa kaya sa personal? Pero kahit gano’n, kahit di tayo gaano close. Hindi man kita mapuntahan, kuya John, totoo, isa din ako sa mga nalulungkot na maaga kang nawala :(
Ayaw ko na magpromise. Pero pag nabili ko na at nagkaron na ako ng copy nung book na sinasabi mo, hanggang matapos ko yung book, ikaw malamang ang maaalala ko … Salamat sa minsanan pero may sense na mga payo at pang-aasar kuya. RIP. :)